top of page

Sayawan

  • Writer: Alexsan
    Alexsan
  • Jan 3, 2022
  • 1 min read


Sinta, isasayaw kita,

Kahit na tayo'y hindi pa magkakilala,

Kahit na sa ilaw ng sayawan

Ay 'di kita lubusang naaaninag.

Nauunawaan ko ang kislap ng mga matang

Umaasang sa gabing ito'y

Maiibsan ang kalungkutan

Na dulot marahil ng kanyang mga katagang

'Di mo mabitawan.


Dadalhin kita sa kalagitnaan

Ng sayawang nabibingi sa tugtugan.

'Wag nating pansinin ang kanilang mga usap-usapan,

Pagkat ang kumpas ng puso mo lamang

Ang aking laging susundan.

Pareho mang kaliwa ang aking mga paa

At sa tigas ng galaw ko'y ika'y natatawa,

Isasayaw pa rin kita.


Sa saliw ng iyong himig ako'y iindayog,

Kahit na alam kong ang lahat ng ito

Ay sa huli mauuwi sa siphayo.

Ako'y malalasing sa kakaindak

At 'di hahayaang mapansin mong ako'y umiiyak,

Dahil sa unti-unting pagkakatanto

Na ano mang pilit na pagbagal sa oras

Ay 'di ko magagawang ito ay mapahinto.


Ayaw ko pang magsara ang sayawan

At ang mga taong pumarito ay magsiuwian.

Isasayaw kita habang pilit na iniiwasan

Ang marahil ay pinakamasaklap na katotohanan

Na ang lahat ng ito ay panandalian.

Gugustuhin pa ring kung ano-ano ang masubukan,

Kahit na magmukha man akong katatawanan

Sa mga mata ng karamihan,

Mapatawa ka lamang

At masigurong hindi ka muna lilisan.


Pero sinta, isasayaw pa rin kita,

Kahit na kinabukasan ay 'di mo na ako makikilala,

Kahit na alam na ako'y kumakapit lamang sa pag-asa

Na sa muli kong pagdilat ay kapiling pa rin kita.

Comentários


  • White Facebook Icon
bottom of page