top of page

Quiapo

  • Writer: Alexsan
    Alexsan
  • Dec 30, 2021
  • 2 min read

Updated: Jan 3, 2022



Dama ang pananampalataya sa Quiapo,

Maraming nananalig ang dito ay dumadayo

At batid namang 'di mahulugang-karayom ang Pista ng Nazareno.

Ngunit pananampalataya'y hindi lamang sa simbahan matatagpuan—

Magmasid-masid ka lamang,

Pagkat ito'y iyo lamang nadadaanan.

Hitik din ang Quiapo

Sa mga lihim na hiwagang matatagpuan mo rito,

Makikita mo ang mga bagay-bagay na inaakalang nasa kanayunan;

Pananampalatayang ang lungsod na ito'y pinapagitnaan.

Ako'y makasalanan at simbahan lamang ang pinagkakatiwalaan,

Ngunit anong biro ng Poon at dito ika'y aking natagpuan.

Ika'y isang deboto sa umaga

At araw-araw ay lagi kang nagsisimba,

Ngunit tila sa pagpatak ng gabi napagtatantong ika'y nagbabalat-kayo

Sapagkat sa Plaza Miranda ay mayroon ka rin palang pwesto.

Inaakit mo 'ko at ako'y nahahalina

Sa mga pangakong makikita ang kapalaran sa iyong mga baraha

Kaya't ilatag mo na ang pinakamamahal mong tarot

Ikwento mo sa akin ang aking tadhanang masalimuot.


Ika'y dinadalaw sa tuwing natatapos ang bawat misa

At sa lilim ng gabi ako'y iyong natatanging bisita.

Kung ba't ako muling naparito, 'di ko mahinuha,

Marahil ang pinainom mo sa akin ay may halong gayuma.

Ayos lang, isaysay mo na lang ulit ang mga barang at kulam

At kung paanong ang Diyos pa rin ang pinakamatibay mong pananggalang.

Iguhit mo sa aking mga palad

Ang batid ng mga talang sa buhay ko'y umuusad.

Turuan mo 'ko sa pakikipagniig sa mga matagal nang namayapa,

Marahil sa paraang yaon ay lagi kitang makakausap at makakasama.


Naririto ako sa Quiapo, hapo at litong-lito

'Di ko man lang matandaan kung bakit ako napadpad dito,

Pero tandang ani ng pari na mula sa aking kaluluwa ika'y pinatalsik

Ngunit bakit damang-dama pa rin ng puso ang init ng iyong halik?

Anong saysay ng pananampalataya sa Quiapo

Kung sa bandang huli ay ituturing kitang demonyo?

Marahil din ay sinumpa mo na ako nang tuluyan

Na lagi kang magpaparamdam sa akin hanggang sa kahuli-hulihan,

Kahit na sa tulos ika'y humimlay na sa kabilang mundo

At iniwan na ako sa Quiapo at sa pananampalatayang puno ng gulo.

Comments


  • White Facebook Icon
bottom of page